Login via

The Trouble With Good Beginnings novel Chapter 6

BINUKSAN na ng gwardya ang malaking gate ng mansyon. Bumuntong-hininga si Aleron pagkatapos ay ipapasok na sana sa garahe ang kotse nang may eksenang bigla na lang lumitaw sa isip niya.

“Checkmate!” Nangingislap ang mga matang bulalas ni Holly habang naglalaro sila ng chess.

Naiiling na napangiti na lang si Aleron. Hindi pa siya natalo sa chess kahit minsan pero mukhang kumukupas na ang galing niya dahil dalawang beses na siyang natatalo ni Holly ng hapong iyon. Hindi niya alam na magaling pala ang dalaga sa ganoong laro dahil hindi rin iyon nakasulat sa diary ni Athan.

Kung tutuusin ay mayroong mangilan-ngilang mga bagay na mukhang nakaligtaang isulat ni Athan tulad na lang ng pagiging malilimutin ni Holly. Noong nakaraang gabi nang sunduin niya ito ay bahagyang natagalan pa sila dahil hinahanap nito ang panuklay nito na siyang nakasabit na sa buhok nito. Lumawak ang pagkakangiti ni Aleron nang maalala ang natataranta pang anyo ng dalaga noong gabing iyon. Noong minsang sumama rin siya sa book signing nito ay kandahanap ito sa ballpen nito na nakasabit lang sa t-shirt nito pero mukhang sanay na sanay na sa ugali nitong iyon ang mga mambabasa nito na para bang naaaliw na lang sa dalaga.

Madalas na malimutan ni Holly ang mga maliliit na bagay pero nawawala ang sakit nitong iyon pagdating sa mga taong malapit sa puso nito gaya ng ilan sa readers nito na dinalhan pa nito ng regalo dahil kaarawan umano ng mga iyon noong araw ng book signing nito. Malinaw rin nitong natatandaan ang lahat ng mga bagay tungkol sa kanya na inilahad niya rito.

Kakaiba rin ang mga gusto ni Holly sa buhay. Sa tuwing may matatapos itong manuscript ay bigla na lang itong magyayaya sa kung saan. Niyaya na siya nito noon sa Tagaytay para mag-zipline at sa Zambales para mag-sky diving. Paraan daw iyon ng dalaga para alisin ang stress nito sa pagsusulat.

Sa tuwing nasa ere na sila ay bigla na lang sisigaw si Holly ng, “I did it! I’m the queen of the world!” o ‘di kaya ay, “Nagtagpo rin kami ng wakas! Ang ganda-ganda ko talaga!” Wala mang koneksyon ang kagandahan nito sa pagtatapos nito ng nobela ay hindi pa rin mapigilan ni Aleron ang maaliw.

Holly was indeed, so fun to be with. Parati siyang nasosorpresa sa mga sinasabi at ginagawa nito. Pagdating ng gabi, sa tuwing binabalikan niya sa isip ang mga nangyari noong kasama niya pa si Holly ay bigla niya na lang matatagpuan ang sariling ngumingiti o kaya ay tumatawa. Katulad ng personalidad ng dalaga ang bawat halik nito, hindi nakakasawa. Pakiramdam niya ay parati siyang may bagong karanasan.

“Di ba, ang sabi ko, kapag natalo kita sa ikalawang pagkakataon, may consequence na?”

“Pero hindi ko natatandaan na pumayag ako sa kondisyon mong ‘yan.”

Bumagsak ang mga balikat ni Holly. Naglaho ang kinang sa mga mata nito. Nakasimangot na ito habang nililigpit ang chess board. Nakakunot man ang noo nito ay maganda pa rin ito.

Sa huli ay hindi rin nakatiis si Aleron. “All right. What’s the consequence?”

Bumalik ang kinang sa mga mata ni Holly. Mula sa katapat na couch ay tumabi ito ng upo sa kanya. “Simple lang naman. Just tell me something about yourself. Iyong mga bagay na hindi mo pa nasasabi sa akin. Gusto kasi kitang makilala ng husto.”

Inabot ni Aleron ang palad ng dalaga at marahang hinagkan iyon. Hindi niya na iyon pinakawalan pa. Gustong-gusto niyang hinahawakan ang palad nito dahil nababawasan ang kakulangang nadarama niya kapag ginagawa niya iyon. “Ano bang gusto mong malaman?”

Humilig si Holly sa balikat ni Aleron. “Marami. Gaya ng rason kung bakit tulad ko, hanggang ngayon ay single ka pa rin.”

“Ikaw na muna. Bakit nga ba hanggang ngayon ay single ka pa rin?” Biglang kambiyo ni Aleron.

Hinampas ng libreng kamay ng dalaga ang dibdib niya. “Ako ba ang natalo?” Mayamaya ay para bang nagpapaubayang napailing na lang ito. “I was waiting for someone whom I can love and who can love me back. Pero parang puro lalaking mamahalin lang ang nahahanap ko. Iyong lalaking magmamahal rin sa akin, hindi pa yata dumarating.”

Naglaho ang ngiti ni Aleron. Anong tawag mo sa kapatid ko, kung gano’n? “Are you telling me that you never had a man in your life? Not even once?”

Tumango si Holly. “Pero ‘wag mo naman masyadong i-emphasize. Masakit, eh.” Pagbibiro pa ng dalaga pero hindi siya natawa. Aleron’s heart went out for the man who died for the woman sitting right next to him. Nagsikip ang dibdib niya. If only Holly can stop lying just for once…

“Your turn. Bakit nga hanggang ngayon, single ka pa rin?”

“Dahil nakakatakot magmahal.” Mapait na bulong ni Aleron. Nakakatakot maloko. Nakakatakot magpakagago para sa isang tao ‘tapos sa bandang huli, kapag nakuha niya na ang lahat ng gusto niya sa ’yo, iiwanan ka na niya, idi-deny ka na niya tulad ng ginagawa mo ngayon sa kapatid ko. Nakakatakot dahil may mga tulad mo. Dahil may tulad nyo ni Lucia sa mundo. Bumalik ang galit at hinanakit sa loob niya. Binitiwan niya ang kamay ng dalaga.

Tumayo si Aleron at kunwari ay inabala ang sarili sa pagtitig sa dalawang painting na nakasabit sa isang bahagi ng sala ng bahay ni Holly. Mariin niyang naipikit ang mga mata matapos muling pagmasdan ang mga iyon. Hindi siya maaring magkamali. Iyon ang dalawa sa mga koleksyon na paintings ni Athan. Nag-iisang kopya lang ang mga iyon sa buong mundo. At ang kapatid niya ang nagkataong nakabili ng mga iyon.

“It’s okay to be afraid because love is really a scary thing, Aleron.” Ani Holly pagkalipas ng mahabang sandali. Bumakas ang pang-unawa sa boses nito. “Nasaktan na rin ako noon kaya natatakot na rin ako. Pero gusto ko pa ring sumugal sa pag-ibig. Iyong takot, normal reaction iyon ng isang nasaktan. Pero iyong matatakot ka nang sumubok dahil natatakot ka nang masaktan, hindi na normal iyon. Fear. I think that’s the number one reason why some people don’t end up together. And I think that’s also the reason why those people weren’t able to live their lives fully.”

Nagtagis ang mga bagang ni Aleron nang maramdaman niya ang masuyong pagyakap ni Holly mula sa kanyang likod.

“I told you I’m a hopeless romantic. Kaya umaasa ako na lahat ng tao, makakahanap pa rin hindi lang ng good beginning kundi pati ng happy ending. That’s why I wish that they would learn to take another risk. Na sana magmahal sila na para bang hindi nila alam ang salitang heartbreak. Sana kalimutan muna nila ang lahat ng negatibo para masimulan nilang punahin ang mga positibo. Sana kalimutan muna nila ang tungkol sa mga corrupt na pulitiko, ang tungkol sa traffic sa EDSA at ang problema sa MRT.”

Marahang natawa si Holly. “Sana ay magmahal lang sila. And when they finally found the person they can love and who can love them in return, saka nila isipin ang lahat. When that time comes, I’m sure it would be a very overwhelming feeling. After all, isn’t it nice to have someone who you can share your worries with?”

Sandaling humiwalay si Aleron sa yakap ni Holly at humarap rito. Napatitig siya sa mga mata nito. Punong-puno iyon ng kislap ng pag-asa. Paniniwalaan niya ba iyon? Pero paano kung ganoong napakaraming ayaw aminin nito? Kahit ang titulo ng bahay nito ay ipinagsisinungaling nito. Ibinenta lang daw iyon kay Holly ng kakambal nito samantalang kitang-kita niya ang kopya ng dokumento niyon sa kwarto ni Athan. Si Athan ang orihinal na nagmamay-ari niyon at isinalin na lang nito sa ilalim ng pangalan ni Holly.

Hinaplos ni Holly ang mga pisngi ni Aleron. “The world is not perfect, Aleron and it will never be. That’s why it’s important to have somebody who can make you realize that at the end of the day, those imperfections don’t matter. Hindi ko alam kung bakit ka natatakot magmahal. Hindi ko alam ang kwento ng buhay mo dahil ipinagkakait mo.” Bahagyang sumimangot si Holly. “Pero hindi ba minsan, parang ang sarap itanong sa mga sarili natin kung ano kaya ang buhay kung hindi tayo takot sumubok? Ano kaya ang mga nagawa natin? Ano kaya ang mga nagawa mo?”

“Ano nga bang gagawin ko kung hindi ako takot?” Naisubsob ni Aleron ang ulo sa manibela. “Marami. I would have kissed you until the pain in my heart subside, Holly. And when you told me that you love me, I would have said I love you, too.”

Natigilan si Aleron mayamaya. Kumabog ang kanyang dibdib sa sunod-sunod na pag-usbong ng mga realisasyon. Heck, he’s really in love with Holly. God had shown no mercy. He let me fall. Napalingon siya sa bintana ng kotse nang makarinig ng sunod-sunod na pagkatok. Nang buksan niya iyon ay sumungaw ang nag-aalalang anyo ng gwardya.

Comments

The readers' comments on the novel: The Trouble With Good Beginnings